Paksa para sa Analitikal na Papel

“Uy Pilipins, Pilipins!” Ang Pagtataguyod ng Pinoy Pride ng SB19 at Jollibee sa Global Media at Mukbang Culture

“Uy Pilipins, Pilipins!” Ang Pagtataguyod ng Pinoy Pride ng SB19 at Jollibee sa Global Media at Mukbang Culture

by Christell Umali -
Number of replies: 1

Paksa:“Uy Pilipins, Pilipins!” Ang Pagtataguyod ng Pinoy Pride ng SB19 at Jollibee sa Global Media at Mukbang Culture

 

Rasyonal:  Sa mabilis na daloy at patuloy na pag-usbong ng global media, mas nagiging kilala ang presensya ng kulturang Pilipino sa mga popular na pangalan at brands na kinikilala hindi lang sa bansa kundi tumawid na rin sa iba’t ibang parte ng mundo. Halimbawa na lang nito ang sikat na P-pop group na SB19 at ang fast food chain na Jollibee na nagiging salamin ng ating pambansang identidad sa kanilang matinding kasikatang hindi na lang umiikot sa ating bansa. Sa tuwing nababanggit o naitatampok ito sa mga internasyonal na platforms tulad ng Billboard charts at YouTube mukbang videos, dinadagsa ng mga Pinoy pride reactions ang pagtanggap ng mga Pilipino sa kanila. Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa representasyon ng dalawang malaking pangalan sa ating pagkakaroon ng kolektibong pagmamalaki at pagkakakilanlan.

 

Mga layunin: 

  1. Tukuyin kung paano umaangkin ng espasyo sa globalisadong mundo ang representasyon ng mga pangalang ito sa pagkakaroon natin ng kolektibong pagmamalaki at pagkakakilanlan.

  2. Suriin ang kasikatan ng SB19 at Jollibee sa mga international platforms sa pagpapalakas ng kolektibong damdamin ng Pinoy pride.  

  3. Siyasatin ang reaksyon ng mga Pilipino sa social media bilang indikasyon sa aktibong pakikilahok sa diskurso ng pagiging proud to be Pinoy

  4. Tukuyin kung bakit kailangan at mahalaga ang balidasyon ng banyagang kultura sa ating mga “produkto” para ito’y ating maipagmalaki.  

 

Metodolohiya: Ang pag-aaral na ito ay magsusuri ng mga piling content ng SB19 music videos, international recognition articles, at mga mukbang YouTube videos kung saan naitatampok ang pagkaing Pilipino gaya ng Jollibee. Titignan ang diskurso ng mga Pilipino sa comment sections ng mga nasabing videos at iba pang materyales sa iba’t ibang social media platforms upang masilip ang mga salitang nagpapahiwatig ng Pinoy pride, pagkilala, at identidad. Ilalapat din ang digital ethnography bilang pamamaraan ng pagmamasid sa online behavior at pagsusuri ng mga online fandoms ng mga Pilipino tungkol sa mga “produktong” ito. Ang pag-aaral ay gagamitan ng mga teoryang kultural nina Stuart Hall (representation) at Benedict Anderson (imagined communities). 

 

In reply to Christell Umali

Re: “Uy Pilipins, Pilipins!” Ang Pagtataguyod ng Pinoy Pride ng SB19 at Jollibee sa Global Media at Mukbang Culture

by Odessa Joson -

APROBADO. 

Dahil hindi malinaw ang identidad sa internet, maging maingat sa pagle-label na Filipino ang comment sa mukbang videos.