Paksa
Kilig at Musika: Masusing Pagsusuri sa Kultura ng Fandom, Midya, at Representasyong Kultural sa AlDub bilang Loveteam Phenomenon at SB19 bilang Idol Group
Rasyonal
Ang papel na ito ay nakatuon sa pagsusuri ng kilig at musika bilang sentrong elemento sa pag-usbong ng fandom culture sa Pilipinas, gamit ang AlDub at SB19 bilang pangunahing halimbawa. Bibigyang-pansin kung paanong ang kilig factor ng AlDub bilang loveteam sa telebisyon at ang musical performance ng SB19 bilang idol group ay naging mabisang kasangkapan sa pagbuo ng matibay na fandom—AlDub Nation at A’TIN—na nagsilbing pundasyon ng kanilang tagumpay. Sa gitna ng digital media at social networking platforms, susuriin kung paanong ang mga fandom na ito ay nakabuo ng kolektibong pagkilos upang itaguyod ang kanilang iniidolo, lumikha ng sariling diskurso, at magkaroon ng konkretong epekto sa midya at lokal na kulturang aliwan.
Mga Layunin
-
Layunin ng papel na suriin kung paanong ang kilig at musika ay nagsisilbing sentral na elemento sa pagbuo at pagpapatatag ng fandom sa Pilipinas, partikular sa kaso ng AlDub at SB19.
-
Tuklasin ang papel ng mga fandom—AlDub Nation at A’TIN—sa pag-angat ng kanilang mga iniidolo mula sa pagiging lokal na artista tungo sa pagiging pambansa at pandaigdigang personalidad.
-
Maunawaan kung paanong ginagamit ng fandom ang digital media upang:
-
mapalawak at mapalago ang komunidad ng tagahanga, at
-
makaimpluwensiya sa nilalaman ng midya at sa anyo ng kulturang aliwan sa Pilipinas.
-
-
Mapatingkad ang ugnayan ng emosyon, musika, at kolektibong pagkilos sa pagtataguyod ng kulturang popular sa makabagong panahon.
Metodolohiya
Gagamit ang mag-aaral ng kwalitatibong pamamaraan upang masusing suriin ang papel ng fandom sa pag-angat ng AlDub at SB19 sa konteksto ng kulturang aliwan sa Pilipinas. Mangangalap ng datos mula sa mga bidyo online patungkol sa panayam ng iilang mga miyembro ng fandom ng AlDub Nation at A’TIN upang maunawaan ang kanilang pananaw, karanasan, at motibasyon sa pagbuo ng kanilang fan communities. Bukod dito, gagamit din ng content analysis o pagsusuri ng nilalaman sa mga materyales mula sa social media platforms tulad ng Twitter, YouTube, at TikTok—kasama na ang mga opisyal na videos, fan-made content, at online discussions—upang suriin kung paano naipapahayag ang kilig at musika bilang sentrong tema sa fandom culture. Susuriin din ang paggamit ng mga midya bilang plataporma sa pagpapalaganap at pagbuo ng kolektibong pagkilos ng mga tagahanga. Sa pamamagitan ng mga metodong ito, matutukoy ang ugnayan ng emosyonal na koneksyon, musika, at aktibong partisipasyon sa fan engagement at kung paano ito nakakaapekto sa representasyong kultural at lokal na kulturang aliwan.