Pokus: Paralelismo ng Pagkain at Loveteam Culture bilang dalawang magkaibang uri ng kulturang popular
Paksa: Loveteam bilang Brand Strategy: Ang Epekto ng KathNiel Breakup sa Marketing ng Shawarma Shack bilang Filipino Food Brand sa Pananaw ng Cultural Branding at Parasocial Relationships
Rasyonal: Sa konteksto ng kulturang popular sa Pilipinas, naging makapangyarihang mekanismo ang loveteam culture hindi lamang sa midya kundi pati na rin sa negosyo. Ang paggamit ng mga sikat na tambalan o “loveteam” gaya nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla — o ang tambalang KathNiel, sa mga produkto, ay naging bahagi ng marketing strategy upang makabuo ng matibay na ugnayan sa masa. Isa sa mga halimbawa nito ay ang kolaborasyon ng KathNiel bilang loveteam, at ang lokal na fast food brand na Shawarma Shack na sikat sa kanilang “Buy 1 Take 1” na shawarma. Ngunit matapos ang kanilang paghihiwalay sa tunay na buhay, lumutang ang mga tanong sa kung paano naapektuhan ang personal na buhay ng isang loveteam ang pagkonsumo ng mga produktong kanilang inendorso. Sa panahon kung saan ang brand identity ay maituturing na “celebrity-driven”, magandang suriin sa kung paano gumagalaw ang consumer behavior kasabay ng pagbagsak ng romantikong imahe ng mga iniidolo.
Mga Layunin
- Masuri ang epekto ng paghihiwalay ng Kathniel sa brand image at marketing ng Shawarma Shack bilang isang Filipino Food Brand.
- Maunawaan kung paano nagagamit ang “loveteam culture” bilang bahagi ng brand strategy sa konteksto ng kulturang popular.
- Gamitin ang mga teorya o pananaw gaya ng Cultural Branding at Parasocial Relationships bilang sandigan sa pag-aanalisa ng epekto ng celebrity endorsements sa kultura ng pagkonsumo.
- Bigyang linaw ang ugnayan ng “fandom”, “emotional attachment” at pagkonsumo, bilang bahagi ng mas malawak na dinamika ng kulturang popular sa Pilipinas.
Metodolohiya: Sa pagsusuring ito, sasandig ang pag-aaral sa mga umiiral na materyales tulad ng mga patalastas, social media posts, advertising campaigns, public reactions, at mga artikulo na mayroong kaugnayan sa tambalang KathNiel at Shawarma Shack. Layon nitong maunawaan kung paano ginamit ang ideya ng “loveteam”sa pagbuo ng imahe ng brand at kung paano nito naapektuhan ng kanilang paghihiwalay. Gagamitin ang lente ng Cultural Branding Theory upang maanalisa kung paano naiposisyon ng Shawarma Shack bilang isang Filipino food brand sa pamamagitan ng tambalang KathNiel. Samantala, ang Parasocial Relationships Theory ay magsisilbing lente upang masuri ang emosyonal na koneksyon ng mga tagahanga sa loveteam at kung paano ito nakaaapekto sa kanilang pananaw sa produkto.