Paksa: Isang Libo't Isang Nguya: Ang Nostalgia Na Dala Ng Eat Bulaga At Mga Chichirya At Kendi Ng 90S Sa Lente Ng Sikolohikal Na Pananaw Na Self-Continuity
Rasyonal: Malaking bahagi ng kulturang Pilipino ang bumili ng dating tig pipisong chichirya at kendi para gawing "snacks", pati na ang pagsubaybay sa mga noontime variety shows upang magpaaliw. Kaakibat ng pagtikim ng chichirya at kendi na umusbong noong dekada nobenta, at ang pagpapalabas ng Eat Bulaga sa kasalukuyan ay mga sari-saring alaala na kadalasan ay nagdudulot ng pansamantalang kasiyahan. Kaya naman, sila rin ang nagbibigay ng akses o daan sa mga tao upang mabalikan ang kanilang naging iba't-ibang karanasan at damdamin ng nakaraan, kahit pa dumaan na sila sa malalaki at maraming pagbabago sa kanilang mga buhay.
Mga Layunin:
Pangunahing Layunin
Ang pangunahing layunin ng pananaliksik na ito ay maipagkumpara ang nostalgia na pinararanas ng pagkonsumo sa Eat Bulaga at mga chichirya at kendi noong dekada nobenta sa lente ng sikolohikal na pananaw na self-continuity.
Tiyak na Layunin
-
Tukuyin ang pagkakatulad ng Eat Bulaga at mga chichirya at kendi noong 90s sa pagpaparanas ng nostalgia sa mga tao.
-
Masuri ang nostalgia na ipinararanas ng Eat Bulaga at mga chichirya at kendi noong 90s sa pamamagitan ng past-present continuity psychological perspective
Metodolohiya: Ang pananaliksik na ito ay gagamit ng isang sikolohikal na pananaw na self-continuity upang maipagkumpara ang nostalgia ng pagkonsumo sa Eat Bulaga at mga chichirya at kendi noong dekada nobenta. Partikular na gagamitin nito ang aspeto na past-present continuity kung saan tinitignan ang koneksyon at pagkakatulad ng nakaraan at kasalukuyang sarili ng isang tao, sa kabila ng maraming pagbabago na naganap sa kaniyang buhay. Sa pananaw na ito, inilalahad na ang isang tao ay "continuation" ng kung sino siya noon sa halip na tinitignan siya bilang isang bagong katauhan. Ang "continuation" na ito ay dala ng mga karanasan, alaala, at damdamin na may koneksyon sa nakaraan, ngunit patuloy na umuusbong sa kasalukuyan.