a. May ilang mababanggit na lapit mula sa pananaliksik. Ilan na rito ay ang “adaptive reuse” kung saan ginagamit pa sa ibang layunin ang isang “heritage site” labas pa mismo sa orihinal nitong pakinabang habang pinapanatili pa rin ang integridad nito. Isang halimbawa ay ang pag-transporma ng mga estruktura upang maging espasyong pang komersyo ngunit isinasaalang alang pa rin ang orihinal na kahalagahan nito.
Ang urban reconstruction naman ay isang komprehensibong pamamaraan sa muling pagpapasigla ng mga nalulugmok na pamayanan, partikular ang mga may mahalagang pangkulturang kahalagahan, sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kanilang pang-ekonomiya, panlipunan, pangkultura, at pangkapaligirang kalagayan. Pinagsasama nito ang iba’t ibang sektor, kabilang ang mga lokal na pamahalaan at mga organisasyong panlipunan, na may layuning makabuo ng isang napapanatili at pinag-isang urbanong kaayusan. Di tulad ng mga mas maliliit na hakbangin, ang urban reconstruction ay nagbibigay-diin sa muling pagsasaayos ng pisikal na kapaligiran gayundin ang pagpapatibay sa pang-ekonomiko at panlipunang istruktura ng pamayanan.
Sa kabilang dako, ang layunin ng urban revitalization ay muling buhayin ang mga lugar sa lungsod sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga solusyon sa mga problemang urbano na magpapatuloy sa mahabang panahon. Binibigyang-diin nito ang pisikal na layout ng lugar, na kinabibilangan ng pagpapanatili ng mga kultural at makasaysayang istruktura. Bukod sa pagpapanatili ng mga gusali, gumaganap din ang mga aktibidad sa ekonomiya at kultura upang mapabuti ang ekonomiya, kultura, at kapaligiran ng lugar, na tumutulong sa paglikha ng isang napapanatiling kapaligiran sa lungsod.
Ang pagtugon sa pagkasira ng mga pamanang kultural at kalapit na pamayanan ay ang pangunahing layunin ng urban renewal. Ang pagpapanumbalik ay karaniwang reaktibo, na tumutugon lamang sa mga kasalukuyang isyu sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga umiiral na istruktura nang walang pangmatagalang plano, sa kaibahan sa pagpapanumbalik ng lungsod na may malawak at pangmatagalang plano. Ang urban renewal ay hindi palaging nagtataguyod ng paglago at pagbabago na patuloy, kahit na ito ay kapaki-pakinabang sa maikling panahon.
Sa pamamagitan ng pagtuon sa kapital, ang urban redevelopment ay may layuning gawing matatag ang ekonomiya ng isang lugar. Ang pangunahing motibasyon nito ay pang-ekonomiya, na may layuning baguhin ang espasyo upang matugunan ang mga modernong pangangailangan ng negosyo nang hindi nakakapinsala sa mga pamanang ari-arian. Ang redevelopment ay maaaring magdulot ng pagbabago upang manatiling angkop at kompetitibo sa patuloy na nagbabagong kalakaran ng negosyo.
b. Sa esensya, isa sa mga isinasalang ng Culture-Oriented Economic Development ni Van der Borg at Russo ay ang pag-unlad ekonomiya na mag-uugat mismo sa iniluluwal na produksyon ng mga malikhaing sektor (creative sectors). Sa gayon, ay nagkakaroon ng balanse sa pangangailangang makapagluklok ng kita nang hindi nakokompromisa ang pagsustena sa kultural na pagkakakilanlan dahil ang kinita ay siya ring maaaring maging batayan kung nakaangkla pa ba ang isang heritage site sa kasalukuyang panahon o kung tinutugunan niya pa ba mismo ang pangangailangan ng kontemporaneong konteksto. Bahagi rito ang appreciation, protection, at utilization na saklaw ang iba’t ibang pamamaraan tulad ng paglulunsad ng pangekonomikong aktibidad, pagtatag ng mga organisasyon para sa preserbasyon, at mag bigay ng insentibo sa makikilahok sa preserbasyon.
Sa lagay ng lipunan ngayon na ang pangunahing pwersa rin talaga ng pag-unlad ay ang makalikom ng kapital, ay magagamit ito. Ngunit, sa tingin ko rin magandang suriin kung anong klaseng cultural memory ang pinepreserba natin. Mula sa mga halimbawa ng pananaliksik tulad ng Vigan at Escolta, naging lunduyan talaga ang dalawa ng mga dayuhang elit at mga negosyante. Sa ngayon, baka pwede ring mapagtuonan ng pansin at paghalawan ang pag-iindigenize sa mga nasabing lugar. Hindi maipag-kakaila na kailangan ng development at profit pero sa papaanong pamamaraan din ito iaangkla sa lagay na aksesibol na ang mga heritage sites sa mga basic masses at makaisa din talaga sila sa pagpepreserba nito. Tingin ko rin ang pinakamainam din talaga na pamamaraan ng “conservation” na may pagsaalang-alang din sa gastusin ng developments and preservation ay ang pagkakaroon ng sariling lokal na industriya (ngunit isa pa rin siya sa ibinabakang mapagtagumpayan sa ilalim ng isang semi-pyudal na lipunan)