Gawaing Asingkrono - Nobyembre 14, 2024

Dalusong_Gawaing Asingkrono

Dalusong_Gawaing Asingkrono

by Alexia Nicole Lynne Dalusong -
Number of replies: 0

a. Ano-ano ang mga lapit sa konserbasyon ng kamanahang kultural? 

Ang mga hakbang tungo sa konserbasyon ng kamanahang kultural ay ang mga sumusunod:

  1. Pangunguna ng mga opisyal ng siyudad sa pagpapalaganap ng cultural awareness at pagpapahalaga sa kamanahang kultural sa lugar. Kinapapalooban ito ng cultural heritage mapping at pagtukoy ng mga pinagmulan ng ito sa paggamit ng brochures, videos, e-books, dyaryo, at iba pang midya na ipinamamalas ang tradisyon, sining, at kultura ng lugar.  

  2. Pagpapalakas ng pagpapahalaga sa kamanahang kultural sa paraan ng historical tours sa mga makasaysayang gusali sa lugar, seminars, workshops, at iba pang aktibidades na nakatuon sa muling pagbuo ng mga dating organisasyon o pagtatag ng panibagong samahan na makatutulong sa pagtitibay ng pagpapahalaga rito. 

  3. Institusyonalisyon ng mga programang nakatuon sa pagpreserba ng kamanahang kultural sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga panukalang batas ukol dito. 

  4. Pagsulong ng paggamit sa kamanahang kultural upang maresolba ang kontemporaryong pangangailangan ng stakeholders bilang may malaking salik sa pagpapanatili ng kamanahang kultural. Kinabibilangan nito ang adaptive re-use sa mga makasaysayang tirahan, pagpapanatili ng pagkakaisa sa disenyong arkitektural para sa mga bagong gusaling itatayo, at pagbuo ng kasunduan sa iba pang organisasyon upang mapanatili ang programa sa pagpreserba ng kamanahang kultural.

b. Sa tingin mo ba magagamit ang Culture-Oriented Economic Development ni Van der Borg at Russo (2005) sa mga bansang bahagi ng Global South? 

Ang COED ni Van der Bog at Russo ay nakabatay sa tatlong palagay na: (1) ang pag-unlad ng kultural na sektor ang leverage sa pag-unlad ng mas malaking sektor sa malikhain na produksyon, (2) ang malikhaing ekonomiya ay nagpapaunlad sa kakayahan ng lungsod, at (3) ang isang ekonomiyang nakatuon sa kultura ng lungsod ay magiging sustainable kung mapapanatili ang balanseng espasyo, sosyal na pagkakabuklod-buklod, at ang cultural identity sa proseso ng paglago. Kung saan ang mga puntong ito ay naipamalas sa iilang bansang bahagi ng Global South tulad ng Thailand, Indonesia, Malaysia, Singapore, at Philippines. 

Sa kaso ng Thailand, naipreserba ng komunidad ang kanilang wats o mga makasaysayang templo at gusali na ngayon ay nagsisilbing pook-pasyalan na nakatulong sa pagkakaroon ng oportunidad sa trabaho at negosyo. 

Ang Indonesia ay naipreserba rin ang kanilang rice terraces na mas nagbigay pagpapahalaga rito at nagsilbing tourist attraction  na dumagdag sa kanilang pagkakakitaan. 

Ang Malaysia naman ay napanatili ang kanilang pinakamataas na skyscrapers, ang Petronas Twin Towers, na nagbigay espasyo sa mga negosyo at naging tanyag na tanda sa lugar. 

Napagkakitaan sa bansang Singapore ang historic shophouses at iba pang gusali na kanilang napanatili. 

Sa sitwasyon naman ng Vigan, Ilocos Sur sa bansa, napaunlad ang ekonomiya ng lugar noong 1995 mula sa 2nd class municipality tungo sa 1st class municipality dahil sa heritage tourism. Ang patuloy na pag-aalaga sa kamanahang kultural ng siyudad ay nagbunga noong 2012 matapos silang kilalanin ng UNESCO World Heritage Center sa pagkakaroon ng best conservation management ng world heritage properties

Sa kabilang dako, hindi palaging ganito ang kinahihinatnan ng mga kamanahang kultural. Gaya na lamang ng sitwasyon sa Escolta, Manila, isa-isang napapabayaan at napagigiba ang mga makasaysayang gusali sa lugar dahil sa kawalan ng matibay na konseptwal na balangkas upang mapreserba ang mga ito. Dagdag na rito ang kakulangan ng interes ng mga may-ari ng gusali sa pagpapanatili o pagsasaayos ng makasaysayang lugar sa kadahilanang mas nakapagbibigay ng malaking kita ang mga proyekto sa modernisadong gusali kumpara rito. 

Ang mga halimbawa at puntong inilahad ay nagdulot sa aking paniniwala na maaaring magamit ang Culture-Oriented Economic Development ni Van der Borg at Russo (2005) sa mga bansang bahagi ng Global South. Ngunit upang maisakatuparan ito, kinakailangan ang pangunguna ng mga awtoridad at partisipasyon ng bawat mamamayan sa pagpapalawak ng layuning ito upang masigurado at mapabilis ang proseso sa pagkamit nito katapat ng patuloy na pagiging modernisado ng bawat lugar hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati na rin sa mga komunidad sa labas ng bansa.