Paksa para sa Analitikal na Papel

Text “PAMAGAT” to 2366: MMK at Lola Nena’s bilang Komodipikasyon ng Nostalhiya sa Kulturang Popular

Text “PAMAGAT” to 2366: MMK at Lola Nena’s bilang Komodipikasyon ng Nostalhiya sa Kulturang Popular

by Lance Gabriel Rasay -
Number of replies: 1

 

 

 

Paksa:

Text “PAMAGAT” to 2366: MMK at Lola Nena’s bilang Komodipikasyon ng Nostalhiya sa Kulturang Popular

Rasyonal:

Ang programang Maalaala Mo Kaya (MMK) at ang food brand na Lola Nena’s ay kapwa nakaugat sa ideya ng pagbabalik-tanaw bilang bahagi ng kanilang identidad sa kulturang popular. Sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa mga kuwentong puno ng emosyon, sakripisyo, at tradisyon, gayundin ng pagbebenta ng pagkaing lutong-bahay na iniuugnay sa kabataan at tahanan, kapwa lumilikha ng nostalhik na karanasan para sa publiko. Sa ganitong balangkas, ang nostalhiya ay hindi lamang damdaming personal kundi isang elementong ginagawang produkto at binibenta sa merkado. Nais ng papel na ito na tingnan ang mga porma ng representasyon at pagkonsumo ng nostalhiya sa dalawang kasong ito bilang halimbawa ng komodipikasyon sa loob ng kulturang popular. 

Mga Layunin:

Layunin ng papel na ito na masusing suriin kung paanong ang nostalhiya ay ginagamit bilang kasangkapan ng representasyon at komersyalisasyon sa mga materyal tulad ng MMK at Lola Nena’s. Partikular na tutukuyin kung paanong ang mga kolektibong alaala at damdaming kaugnay ng kabataan, pamilya, at tahanan ay kinokonstruk bilang bahagi ng imahen ng pagka-Pilipino na madaling i-konsumo. Nilalayon ding tuklasin ang papel ng audience at konsyumer bilang aktibong kalahok sa pagbibigay-kahulugan sa mga produktong ito, at kung paano ang kanilang pagtanggap o pag-reaksyon ay nagbubunyag ng mga koneksyon sa pagitan ng nostalgia, identidad, at pamilihan. Sa huli, hangarin nitong ilugar ang nostalgia hindi lamang bilang damdaming personal kundi bilang kasangkot sa malawak na proseso ng produksiyon at pagkonsumo sa loob ng kulturang popular.

 

Metodolohiya:

Gagamit ang papel ng kwalitatibong content analysis upang siyasatin ang piling mga episode ng Maalaala Mo Kaya (MMK) na malinaw na gumagamit ng nostalgia bilang estratehiya upang mapanatili at mapalalim ang interes ng mga manonood (retention strategy), partikular sa pamamagitan ng interaktibong pagpapadala ng text message ng hinulaang pamagat para sa premyo. Kasabay nito, susuriin ang mga marketing materials at social media discourse ng Lola Nena’s upang maunawaan kung paano nakokomodipika ang nostalgia sa representasyon ng lutong-bahay bilang alok sa kulturang popular. Gagamitin ang teorya ng representation ni Stuart Hall upang suriin kung paanong ang mga elementong ito ay kinakatawan at nire-reproduce sa popular na midya bilang anyo ng kolektibong alaala. Ilalapat rin ang pananaw ni John Fiske sa kulturang popular bilang larangan ng pakikipagtunggali ng kahulugan, kung saan ang tagatanggap ay hindi lamang tumatanggap kundi aktibong nakikibahagi sa pagbuo ng kahulugan (meaning-making) batay sa sariling karanasan at konteksto. 

 

In reply to Lance Gabriel Rasay

Re: Text “PAMAGAT” to 2366: MMK at Lola Nena’s bilang Komodipikasyon ng Nostalhiya sa Kulturang Popular

by Odessa Joson -
APROBADO ngunit ilimita sa tatlong (3) episodes lang ng MMK (maglagay ng buod ng episodyo) at dalawang partikular na marketing materials ng Lola Nena (maglagay ng aktwal na material) sa papel.