I.
Ano-ano ang mga katangian ng isang suliranin sa pananaliksik?
Kung mayroong pinakamahalagang sangkap ang isang pananaliksik, ito ay ang suliranin na nais nitong imbestigahin, siyasatin at bigyang kasagutan. Sa gayon, sinasabing pundamental ang suliranin sa pananaliksik sa proseso ng pag-aaral. Upang matukoy kung ang isang suliranin ng pananaliksik ay mabisa at may kakanyahang gagapin ang paksang nais pag-aralan, nararapat nitong taglayin ang mga sumusunod na katangian: may pakinabang, pasok sa lawak o kipot ng aaralin, nasusukat, madaling maunawaan ng mga mambabasa, interesante o nagbibigay ng panibagong kaalaman hinggil sa paksa, lehitimo at higit sa lahat, kayang mabigyan ng kasagutan. Samakatuwid, ang isang suliranin ng pananaliksik ay dapat na may kakayahang lagumin ang natatanging paksa o isyu na layuning sagutin ng pag-aaral.
Paano sumulat at bumuo ng mabisang suliranin sa pananaliksik?
Hakbang-hakbang ang pagbuo ng isang suliranin sa pananaliksik at may ilang aspeto na mahalagang ikonsidera upang masigurong mabisa ito. Sa primarya, dapat na sipatin ang personal na kondisyon ng mananaliksik; kung ano ang mga paksa na interesante sa kanya, gaano kahaba ang panahon upang isagawa ang pananaliksik at kung may kakayahan at sapat na sanggunian ba upang isagawa ito. Kapag naging desidido na sa isang paksa, magsisimula ang paglikha ng suliranin ng pananaliksik sa pagtukoy ng mga nagdaan nang pag-aaral at mga literaturang kaugnay nito, at mula rito makabubuo ng mas ispesipikong tanong na maaaring masukat sa batayan ng pananaliksik. Ang paunang suliranin ng pananaliksik na masusulat ay hindi pa pinal at patuloy pang pauunlarin sa pamamagitan ng pagtukoy ng layunin, at kung hindi pa ito nasapul, magsasagawa ng mga pagbabago sa inisyal na suliranin ng pananaliksik. Lubhang mahalaga rin sa paglikha ng suliranin ng pananaliksik na matugunan nito ang tanong na ‘So What’ o ang saysay ng pagsasagawa ng isang pananaliksik at kung ano ang maaaring kontribusyon nito sa pagpapalago ng kinabibilangang mas pangkalahatang paksa.
III.
a. Pagsusuri sa mga Epekto ng Pagbabago sa Anyo at Paghahanda ng Pastil sa Metro Manila sa Komodipikasyon at Apropriyasiyon ng Kulturang Moro
Tatalakayin sa unang paksa ang epekto ng lumalaganap na pagbabago sa anyo at paghahanda ng Pastil sa Metro Manila sa komodipikasyon at apropriyasiyon ng kulturang Moro. Sa kasalukuyan, nakikilala ang Pastil bilang pantawid-gutom ng mga Pilipino dahil nabibili ito sa murang halaga at nakahanda pa sa paraang madaling kainin. Binalot sa dahon ng saging, ang kanin ay pinaiibabawan ng ginadgad na laman ng manok, baka o isda at sinangkapan ng mga pampalasa. Ang Pastil ay orihinal na nagmula sa Maguindanao, partikular sa mga Pilipinong Muslim sa Mindanao bilang kanilang agahan. Halimbawa ito ng pagkaing Halal o pagkaing hinanda alinsunod sa batas ng Islam kung kaya kinikilala ang sagradong aspeto ng mga katulad na pagkain. Subalit, dahil sa natatamo nitong popularidad, kaliwa’t kanan na rin ang mga alterasyon, modipikasyon at pagbabago sa nakasanayang anyo at paraan ng paghahanda ng Pastil. Nariyang ibinebenta na nang nakabote ang mismong laman lamang ng manok, baka o isda bilang pang-ulam o panahog sa ibang putahe. Subalit, higit na kontrobersyal ang napamalitang luto ng Pastil kung saan baboy ang karneng ginamit. Mula rito, layuning talakayin ng mananaliksik kung paano nakakaapekto ang pagbabagong ginagawa sa anyo at paghahanda ng Pastil sa Metro Manila sa komodipikasyon at apropriyasiyon ng kulturang Moro sa bansa.
Kwalitatibo ang research design na gagamitin sa pananaliksik dahil layon nitong matukoy ang mga epekto ng independent variable (pagbabago ng anyo at paghahanda ng Pastil sa Metro Manila) sa dependent variable (komodipikasyon ng kulturang Moro). Etnograpikong pagsusuri naman ang research methodology na napili dahil mayroong ispesipikong erya o komunidad (Metro Manila) kung saan isasagawa ang pananaliksik. Nakapaloob sa etnograpikong pagsusuri ang paggamit ng mga research instrument na panayam at obserbasyon. Sa pamamagitan nito, makalilikom ang mananaliksik ng sapat na impormasyon upang makabuo ng mga konklusyong sasagot sa suliranin ng pananaliksik. Gayundin, mula sa pakikipagpanayam sa mga Moro sa Metro Manila, mga manininda ng Pastil na hindi Moro at pagsasagawa ng obserbasyon sa mga lugar kung saan malawak at laganap ang bentahan ng Pastil, makakukuha ng mga impormasyong bibigyang-kahulugan batay sa mga pinakamadalas na lumitaw na tema.
b. Pagsusuri sa Korelasyon ng Nakabinbin na Rebisyon sa FPIC Guidelines sa Naglalahong Kultural na Katutubong Identidad ng mga Ati sa Montalban, Rizal mula sa Pagpapalayas sa kanilang Lupang Ninuno
Ang ikalawang paksang napili ay tatalakay sa korelasyon ng naglalahong kultural na katutubong identidad at diaspora na nararanasan ng mga Ati sa Montalban, Rizal bunsod ng pagpapalayas sa kanila mula sa kanilang mga lupang ninuno. Malawakang danas at sistematikong suliranin ng Pambansang Minorya sa Pilipinas ang banta ng pagpapalayas mula sa kanilang lupang ninuno dahil sa pangangamkam ng mga ito upang pagtayuan ng mga development aggression projects. Ito ay nagpapatuloy sa kabila ng pagpapasa ng Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 o IPRA Law kung saan nakabalangkas ang mga batayang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno. Maliban sa kawalan ng pangil ng batas na ito, marami rin itong kalakip na polisiyang kontra-katutubo sa halip na magsilbi para sa kanilang kapakanan. Isa na rito ay ang Free, Prior, and Informed Consent o FPIC kung saan nakalahad ang guidelines na dapat sinusunod sa usapin ng paggamit ng mga lupang ninuno para sa mga “pangkaunlarang” proyekto. Ngayong, may mga nakaantalang rebisyon sa guidelines nito, layuning alamin kung magbubunga ba ito ng pagpapabuti sa pagpapagana ng IPRA Law o makadaragdag lamang ito sa opresyong hinaharap ng mga katutubo. Mula rito, nais aralin ng mananaliksik ang korelasyon ng FPIC guidelines sa naglalahong kultural na katutubong identidad ng mga Ati sa Montalban, Rizal mula sa pagpapalayas sa kanila sa kanilang lupang ninuno.
Gagamiting research design sa pananaliksik na ito ay mixed method kung saan pinaghahalo ang kwalitatibo at kwantitatibong pananaliksik. Sequential ang research methodology na gagamitin kung saan unang kukuhanin ang kwantitatibong impormasyon at saka sususugan ng mas malalim na pagsusuri sa karanasan ng ilang indibidwal. Samakatuwid, magsasagawa muna ng sarbey, at mula rito magkokondukta ng mga panayam sa ilang taga-komunidad na higit na magbibigay pagpapakahulugan sa magiging resulta sa kwantitatibong bahagi ng pananaliksik. Mixed method ang napiling disenyo ng pananaliksik dahil mahalagang mapalawak ang istatistikal na impormasyong malilikom mula sa sarbey at masuri ang pinagmulan ng magiging resulta gaya ng mga nakaapektong salik sa pagsagot ng mga lumahok sa pananaliksik.