Gawain Bilang 1. Ang Suliranin ng Pananaliksik.
Ano-ano ang mga katangian ng isang suliranin sa pananaliksik?
Ayon sa napanood na maikling bidyo lecture, ang mga katangian ng isang maayos na suliranin ng pananaliksik ay kinakailangang may kaugnayan sa paksa (relevant), napapamahalaan (manageable), tiyak (specific),malinaw (clear and simple), interesante (interesting), lehitimo (legitimate) at masasagot (answerable). Ang suliranin ng pananaliksik ay mayroong kaugnayan sa isyu na sumasaklaw sa isasagawang pag-aaral. Kinakailangang maging tiyak, malinaw, espesipiko at nasusukat ang ilalagay na suliranin ng pananaliksik upang mapamahalaan ng maayos ang pananaliksik at maging madaling maintindihan. Kinakailangang ang mananaliksik ay mayroong kakayahan imbestigahan ang isasagawang pag-aaral base sa suliranin. Kaakibat nito, kinakailangan din maging interesante o mayroong kabuluhan ang bubuuin na suliranin ng pananaliksik. Ang mananaliksik ay kinakailangang makabuo ng suliranin ng pananaliksik sa patanong na porma na lehitimong nangangailangan ng kasagutan, hindi malawak at hindi rin masyadong espesipiko kundi naaayon lamang na mabibigyang kasagutan sa isasagawang pag-aaral.
Paano sumulat at bumuo ng mabisang suliranin sa pananaliksik?
Sa pagbuo at pagsulat ng isang mabisang suliranin sa pananaliksik, kinakailangan matukoy, makalap, maging espesipiko at maging partikular. Kinakailangan ng pagpili sa malawak na paksa na gagawan ng suliranin ng pananaliksik upang matukoy ang interes mula sa datos. Nararapat din alamin ng mananaliksik ang paksang kanyang napili sa pamamagitan ng pagkalap ng umiiral na literatura at datos na maaaring magamit. Mula sa malawak na paksa, gawing espisipiko ang paksa sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga open-ended na katanungan na sumasagot sa tanong na ‘paano’ at ‘bakit’. Kinakailangang maging partikular ang katanungan na nasusukat at hindi lamang nasasagot ng simpleng ‘oo’ o ‘hindi’ o isang istatistika. Gayundin, kinakailangan maipakita ng mananaliksik kung anong ideya ang kanyang pag-aaralan, kung paano niya ito mas palalawakin, kung may kaugnayan ito hindi lamang sa pag-aaral kundi sa mga tao at sa larang, at kung anong importansya ng pag-aaral na isasagawa.
Sanggunian
Campitelli, S. Developing a Research Question. University of Melbourne. Peb. 15. 2018. https://www.youtube.com/watch?v=mrWeLJZydUU
Gawain Bilang 3. Pagbabalangkas ng Suliranin ng Pag-aaral at Pagtalakay sa Disenyo ng Pag-aaral.
Paksa: Promosyon sa Programang Batsilyer ng Sining - Philippine Arts
Suliranin ng Pag-aaral:
Ano ang mga pamamaraan ng kolehiyo sa pagpapakilala o pagbibigay promosyon sa programang Bachelor of Arts - Philippine Arts?
Ang programang Bachelor of Arts - Philippine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas - Manila ay pinagsasama ang kaalaman sa Philippine literary, visual, performing arts sa historikal, sosyo-kultural at managerial na perspektibo. Nakatuon ang programa sa pag-aaral ng sining ng Pilipinas sa loob ng konteksto ng pambansang kultura at kasaysayan, na mayroong kontribusyon sa kahulugan at pagbuo ng pambansang pagkakakilanlan at papel na ginagampanan nito sa pagbabagong panlipunan. Ang programa ay nagbibigay ng mayamang mapagkukunan ng impormasyon at mga pananaw sa kamalayan at pagpapahalagang Pilipino na mahalaga sa pagpapahalaga ng mag-aaral sa kanyang kultura at pag-unawa sa kanyang sarili at sa kanyang kaugnayan sa lipunan. Ito ang nag-iisang arts-based na programa sa unibersidad at matatagpuan lamang sa Unibersidad ng Pilipinas - Manila. Bagaman mahalaga ang programang ito sa pagkilala sa sining at kultura ng bansa, maraming estudyante sa loob at labas ng unibersidad ang walang ideya kung ano ang programang ito. Bilang estudyante ng programa, sa tuwing binabanggit ito sa iba, ang reaksyon na aking makukuha ay ‘ano yung Philippine Arts?’, ‘may ganun pala sa UP-Manila’, ‘ano ‘yon parang “visual arts” ganun?’.
Ang layunin ng pag-aaral ay matukoy ang mga pamamaraan o estratehiya sa pagpapakilala ng programang Batsilyer ng Sining - Philippine Arts at masuri kung epektibo itong ginagamit bilang promosyon sa pagpapakilala ng nasabing programa. Nilalayon ng pananaliksik matugunan ang mga sumusunod:
Tukuyin ang mga estratehiya o pamamaraan ng Kolehiyo ng Agham at Sining sa pagpapakilala ng programang Batsilyer ng Sining - Philippine Arts.
Ano ang pananaw ng mga mag-aaral at propesor tungkol sa pagiging epektibo ng promosyon ng programa?
Gamit ang pag-aanalisa o S.W.O.T. Analysis, bigyang pag-aanalisa ang kalakasan, kahinaan, oportunidad at banta sa pagbibigay promosyon sa programa.
Base sa nakalap na mga datos, magbigay suhestiyon at/o rekomendasyon upang makatulong sa pagpapabuti sa pagpapakilala ng programa.
Metodo ng pananaliksik
Ang metodo ng pananaliksik ay kwalitatibong pananaliksik kung saan nilalayon nitong makakuha ng malalim na pag-unawa sa estratehiya ng promosyon ng programang Batsilyer ng Sining - Philippine Arts. Gagamitin ng pag-aaral ang case study approach, ito ay tumutukoy sa isang istratehiya kung saan ang mananaliksik ay nagsasaliksik ng in-depth na pag-aaral sa programa, kaganapan, aktibidad, proseso o isa o higit pang mga indibidwal (Cresswell, 2009). Sa pagkalap ng datos, ang mananaliksik ay magsasagawa ng document analysis sa mga materyales na ginagamit sa promosyon, pakikipagpanayam gamit ang open-ended na katanungan sa kasalukuyang mga mag-aaral at propesor ng programa, pagsusuri sa promosyon gamit ang S.W.O.T. Analysis at pagbibigay rekomendasyon na makakatulong sa pagpapakilala ng programa.
Disenyo ng pananaliksik
Ang mananaliksik ay gumamit ng exploratory na disenyo ng pananaliksik upang matukoy ang baryabol o kadahilanan na nakakaapekto sa hindi pagkilala sa programang Batsilyer ng Sining - Philippine Arts. Mula sa case study, bibigyang pokus ng pag-aaral ang konsepto ng marketing o paggamit ng estratehiya bilang promosyon sa programa sa kolehiyo ng sining. Samakatuwid, ang mananaliksik ay magsasagawa ng S.W.O.T. Analysis upang suriin ang pamamaraan sa pagbibigay pagkilala sa nasabing programa.
Paksa: Perspektibo ng mga Mambabasa ng Boys’ Love Genre na Komiks
Suliranin ng Pag-aaral:
Ano ang perspektibo ng mga mambabasa ng komiks sa pagkakaroon ng Boys' Love na tema ng babasahin?
Ang pagsikat ng Boys' Love na genre sa Pilipinas ay mula sa impluwensya ng bansang Thailand (Dela Cruz, 2022). Ang Boys' Love na genre ay tumutukoy sa pag-iibigan ng dalawang magkarelasyong lalaki, kadalasang nakikita ang ganitong tema sa serye at mga babasahin. Liban sa mga palabas, umusbong ang mga komiks na mayroong genre ng Boys' Love, malayo sa karaniwang paksa ng ordinaryong komiks. Ang Boys' Love na genre ay tinatangkilik ng mga mambabasa kung kaya'y patuloy ang mga publishing houses sa pag-produce ng ganitong uri ng babasahin.
Ang layunin ng pag-aaral ay matukoy ang pananaw o perspektibo ng mga mambabasa ng komiks tungkol sa Boys' Love na komiks. Nilalayon ng pananaliksik na masagot ang mga sumusunod:
Tukuyin ang pangunahing tema at mensahe sa Boy's Love na komiks.
Tukuyin ang mga salik na nakakaapekto sa popularidad ng Boy's Love na komiks.
Tukuyin ang mga pananaw ng mga mambabasa tungkol sa Boy's Love komiks at ang kaibahan nito sa ibang uri ng komiks.
Metodo/Disenyo ng pananaliksik
Ang ginamit na metodo ay kwantitatibong pananaliksik upang alamin ang perspektibo ng mga mambabasa sa Boy's Love na komiks. Gagamit ng deskriptibong pananaliksik upang suriin ang kwantitatibong deskripsyon ng trends, attitudes, o opinyon ng isang populasyon (Cresswell, 2009). Magsasagawa ng interbyu gamit ang structured interview questionnaire online para sa pagkalap ng datos na makakatulong sa pagsagot ng mga katanungan sa pananaliksik. Pipili ang mananaliksik ng 5 hanggang 10 komiks na mayroong tema na Boys' Love. Ang sakop ng pag-aaral na ito ay mga mambabasa ng ng komiks at mayroong sample size na 100 na respondente. Samakatuwid, nilalayon nitong maipakita ang persepsyon ng mga mambabasa ng komiks sa pagkilala ng Boys’ Love na genre bilang isang uri ng babasahin.
Sanggunian
College of Arts and Sciences. (n.d.). Office of the University Registrar Official Website.
https://our.upm.edu.ph/node/183
Creswell, John. (2009). “Part 1. Preliminary Considerations.” Research Design: Qualitative, Quantitative, Mixed Methods Approaches. SAGE Publications Inc. 3rd ed. (pp.1-46)
Dela Cruz, E. J. (2022, Enero). Raikantopinoy: Glocalization of the Boys' Love Genre in the Philippines. Research Gate.
https://www.researchgate.net/publication/367499766_Raikantopinoy_Glocalization_of_the_Boys'_Love_Genre_in_the_Philippines
UP Manila College of Arts and Sciences [PDF] (n.d.). University of the Philippines Manila Official Website.