Kapag narinig ng isa ang salitang pamana karaniwang iniisip nila ang materyal na bagay. Totoo, isang uri ng pamana ito, pero para sa aking mga magulang hindi lang mga materyal na bagay ang pinamana sa kanila. Namana ng aking ina ang kasanayan sa pananahi at pagluluto mula sa aking lola. Para sa aking lola mahalaga ito dahil ito ang isa sa kanyang paraan para maipakita ang pagmamahal niya sa pamilya, sapagkat ang pagluluto ay di lang basta basta, kinakailangan ito ng panahon at pagsisikap. Namana naman ng aking ama ang kasanayan sa pagmamantini ng bahay mula sa aking lolo kasama pa ang pagpapahalaga sa trabaho na mula sa aking lola.
Sa mata ng iba maaaring hindi ito mga importanteng bagay, pero mahalaga ang mga kasanayang ito sa aking mga lolo’t lola dahil ito rin ang kasanayang pinamana sa kanila na nagkaroon ng malaking gampanin sa buhay nila at ng kanilang pamilya. Praktikal ang mga kasanayang ito dahil ito ang nakatulong para masustentuhan ang pangangailangan ng pamilya namin. Patuloy itong mapapakinabangan ng susunod na henerasyon kahit magbago ang kalagayan ng lipunan. Dahil pinahalagahan din ito ng mga magulang ko patuloy nilang binabahagi sa amin ng kapatid ko ang mga kasanayang ito nang sa gayon maramdaman namin ang pagmamahal at pahalagahan din namin ang mga karunungan na nais ipasa ng pamilya namin.