Ano-ano ang mga lapit (approach) sa konserbasyon ng kamanahang kultural?
Batay sa babasahin, nasabing kalakip ng urban development ay ang terminong urban decay—kung saan ang mga istrakturang mayroong importansiya sa ating kultura’t identidad ay napababayaan dahil sa mga limitasyong pinansyal o kakulangan ng return of investment sa konserbasyon. Sa pananaw na ito, nagsisilbing pananagutang pinansyal ang kamahanang kultural. Gayunpaman, nararapat paring ipagpatuloy ang konserbasyon sa mga istrakturang ito.
Ayon sa Culture-Oriented Economic Development (COED) nina Van der Borg and Russo (2005), maaring gamitin ang mga nasabing kamanahang kultural bilang abenida ng pag-unlad ng ekonomiya. Kung sa gayon ay nararapat parin sumailalim sa mga proseso ng konserbasyon. Sa papel, nabanggit ang mga sumusunod na konsepto. Una, ay ang adaptive re-use—sinusulong nito ang pagbabago ng gamit ng isang makasaysayang istraktura upang mapanatili ang disenyo’t arkiterktura nito. Pangalawa, ay ang diskarteng old and new na nagsusulong ng pagpapatayo ng mga bagong imprastraktura sa tabi ng iba pang makasaysayang gusali upang muling umusbong ang isang partikular na lugar. Huli, bukod sa Vigan Conservation Program, ay ang Transfer of Development Rights (TDR) na inirekomenda ni Evidente (2013). Sa istratehiyang ito, iminumungkahi ang pagbebenta ng hindi nagamit na taas o density rights ng isang gusali bilang kita na maaring gamitin sa pagpapanatili nito.
Sa tingin mo ba magagamit (applicable) ang Culture-Oriented Economic Development ni Van der Borg at Russo (2005) sa mga bansang bahagi ng Global South?
Sa kabila ng pagiging isang Global South o Third World Country, maaring gamitin ang Culture-Oriented Economic Development approach nina Van der Borg at Russo (2005). Isang halimbawa na angkop dito ay ang Pilipinas, kung saan naganap ang kaso ng Makasaysayang siyudad ng Vigan at ang Escolta, Manila. Sa Vigan, matagumpay na naisagawa ang balangkas sa pamamagitan ng isang programa na nakapagsulong ng ekonomiya gamit ang turismong nakabatay sa kamanahang kultural. Tungo rito, nagkaroon ng maraming oportunidad upang makapagtayo ng mga negosyo’t makapagbukas ng mga trabaho para sa mga lokal. Samantala, sa Escolta, Manila, sa kabila ng mga ilang hakbang na isinagawa ng ilang lokal na organisasyon tulad ng Escolta Commercial Association at ng Heritage Conservation Society, nanatili paring hamon ang kakulangan ng partisipasyon ng mga pribadong may-ari ng mga makasaysayang istraktura.
Sa pamamagitan ng mga kasong ito, maaring makita ang potensyal ng nabanggit na balangkas pang konserbasyon. Gayunpaman, upang maging matagumpay ito, kinakailangan ang partisipasyon at kolaborasyon mula sa pribadong stakeholders at pagkakaroon ng mga konkretong batas sa konserbasyon para sa pondo’t pagsasagawa ng mga ito.