A. Ipaliwanag ang mga dahilan kung bakit natalo ang petitioner/respondent sa kaso?
Hindi tinanggap ng Korte Suprema ang petisyon ng Knights of Rizal laban sa DMCI sa kadahilanang walang batas ang nagbabawal sa pagpapatayo ng gusaling Torre de Manila dahil sa pagsagabal nito sa tanawin nito. Idagdag pa rito ang pagkakaroon ng sapat na permit at clearances ng nasabing proyekto mula sa munisipalidad na kinatatayuan ng nasabing gusali. Nabanggit din sa kaso ang Ordinansa Blg. 8119 na nagsilbi lamang gabay ngunit walang iginiit tungkol sa hindi pagpapahintulot na magtayo ng gusali sa lugar kung saan malapit ang nasabing national historical site. Gayundin, hindi kasama sa responsibilidad ng pamahalaan ng Maynila ang pagpapahinto sa pagpapatayo ng nasabing condominium kaya't hindi naaangkop ang pagpapatupad ng mandatus. At huli, hindi na kasama sa nasasakupan ng RA 11333, Sek. 6, o Permanent Site in the National Capital ang lupang kinatitirikan ng Torre De Manila.
B. Sumasang-ayon ka ba sa desisyon ng korte? Ipaliwanag ang iyong tindig mula sa perspektiba at interes ng kamanahang kultural.
Hindi ako sumasang-ayon sa desisyon ng korte, hindi lamang dahil sa nakaaapekto ito sa tanawin ng dambana ng ating pambansang bayani ngunit naging malaking balakid ito sa pagpapanatili ng naturang kaayusan ng national historical shrine. Sa kabilang dako, maituturing din ang nangyaring ito bilang paghingi ng aksyon na siyang marapat tumulak sa senado na maglunsad ng batas na siyang mangangalaga sa buong nasasakupan at palibot ng isang national historical site. Magsilbing halimbawa na lamang ang isinakatuparan sa Venice, Italy na Artikulo 13 ng Venice Charter kung saan hindi binibigyang pahintulot ang pagpapatayo ng infrastructures na makasasagabal sa bahagi ng historical sites at maging sa paligid nito. Bilang isang bansang likas na mayaman sa sining at kultura, responsibilidad ng mga taumbayan ang pag-ehersisyo sa kanilang karapatan na magkaroon ng maayos na pagkakakilanlan. Mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino ang mga National Historical Sites na ito at ang pagsira o anumang pagbago sa orihinal na gawi at kapaligiran ay dapat na bigyang-pansin, suriin at aksyunan.